Sugpuin ang Ecrime
Hindi maipagkakailang lalong nagiging tanyag ang pag gamit ng mga mobile devices. Sa kabila nito, lalo din namang nadadagdagan ang bilang ng mga cyber crimes. Sa ngayon, ang internet ay accessible o bukas halos sa lahat, gamit ang smartphones at iba pang digital devices. Ito ang isa sa malalaking dahilan upang ang mga maykapangyarihan ay maghanap ng makabagong paraan upang labanan ang ganitong uri ng mga krimen. Hindi na umuubra ang mga nakagawiang paraan; kailangan ang maparaang pagharap dito, gamit din ang teknolohiyang gamit ng mga cyber criminals.
Sa state ng California sa United States of America, itinatag ang bagong eCrime Unit upang manghuli at maglitis ng mga internet crooks. Ang team na ito ay binuo ng isang state attorney general at kinabibilangan ng dalawampung abogado at imbestigador. Bihasa sila sa mga makabagong paraan upang matunton at matukoy ang mga maysala. Kabilang sa mga tinututukan ng team na ito ay mga email scams, piracy, child pornography, online fraud, at marami pang iba. Kawawa lamang ang mga taong nabiktima at patuloy na nabibiktima mapa-offline man o mapa-online.
Naipakulong na ng team ang isang lalaking nahatulan ng guilty sa kasong hacking ng mga email at Facebook accounts. Marami nang nabiktima ang lalaking ito na ang karaniwang modus ay pasukin ang account ng ibang user. Pagkatapos ay maghahanap siya ng mga kontrobersiyal na larawan ng may-ari ng account. Tatakutin niya ito na ikakalat sa internet ang mga larawan kapag hindi sinunod ang gusto niya.
Ang internet ay napakahalaga sa ekonomiya, sa mga tao, at sa mga negosyo. Dahil dito, hindi na kailangang maghanap ng biktima ang mga cyber criminals. Napakaraming maaaring maging biktima ng pagnanakaw ng mga impormasyon. Ang taong 2012 ay nakikinikinitang magiging taon ng matinding pakikipaglaban sa online crimes. Naranasan noong isang taon ang napakaraming mga scams at inaasahang marami pang darating ngayong taon.
Ito naman ang dahilan ng pagpapaigting ng kampanya laban sa ecrime. Ang bagong eCrime Unit ay naglalayong makagawa ng isang bagong trend ng pakikipaglaban sa online crimes. Sinabi ng attorney general mula California na gusto nilang manguna sa makabagong paraan sa paghahanap at paglilitis ng mga maysala. Gamit ang internet technology na siya ring gamit ng mga criminal, mapatutunayang ang batas ay mangingibabaw sa lahat ng oras.
Tags: Crime, Criminals, Hackers, Identity Theft, Internet Crime, security issues, social networking sites, United States

